Nagbigay ang Diyos, pero bakit hindi ka pa rin masaya? Bakit hindi pa rin ganap ang iyong kasiyahan? Hindi pa ba sapat ang iyong natanggap? Bakit naghahanap ka pa rin? Bakit nakatingin ka pa rin sa mga biyaya ng iba?
Hindi naman masama ang maghangad at humiling ng mas marami para sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay. Hindi masama ang umunlad sa buhay. Ang masama ay yung maghangad ka ng sobra-sobra. Ang masama ay yung nabigyan kana, nagrereklamo ka pa. Ang masama ay yung naiinggit ka pa sa iba. Ang ganitong pag-uugali ay hindi magdudulot ng kaligayahan sa puso ng tao. Ang kawalan ng utang na loob sa kabutihan ng Diyos ay magbubunga ng mas marami pang pagkakasala katulad ng pagmamataas, kasakiman, at iba pa. Kailangan natin matutunan na wala sa mga biyaya ang seguridad ng tao. Ang seguridad ng tao ay ang Tagapagbigay ng biyaya, si HESUS. Siya lamang at wala ng iba pa.
Ang taong hindi marunong makuntento at magpasalamat sa mga biyayang natatanggap ay walang kapayapaan at katahimikan sa kanyang puso. Sa kabilang banda, ang isang tao na kuntento at marunong magpasalamat sa mga biyayang natatanggap, maliit man o malaki, ay lubos ang kasiyahan sa puso.