Ang natatanging pagtingin at pagkilala ng mga Katoliko sa Mahal na Birheng Maria ay hindi maituturing na idolatriya sapagka't, una, malinaw sa mga Katoliko na hindi Diyos si Maria. Ang pagpaparangal na ibinibigay sa kanya ay naka-ugat sa katotohanan na "siya ay punong-puno ng grasya (Lucas 1:28)," "bukod siyang pinagpala sa lahat ng mga babae (Lucas 1:42)," at "ang Panginoong Diyos ay sumasakanya (Lucas 1:28)."
Ang mga katotohanang ito ay malinaw na inihayag ng Diyos sa tao. Kung kaya nga noon pa man ay makikita na natin ang pagpaparangal at pagtangkilik na ito kay Maria bilang isang natatanging hinirang ng Diyos. Sa mga salita ni Elizabeth noong dalawin siya ni Maria ay mababasa natin ito:
"Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1:43) o sa salitang Ingles, "But why am I so favored, that the mother of my Lord should come to me?"
Sa madaling sabi, ang makasama pala si Maria ay isang napaka-laking karangalan. Pagpapakita ito kung paano pinagpipitagan si Maria simula pa noon. Maaaring sabihin ng ilan, "opinyon lang yan ni Elizabeth." Hindi po. Kung babalikan po natin ang naunang talata (Lucas 1:41), mababasa natin na si Elizabeth ay napuspos ng Espiritu Santo. Nangangahulugan ito na ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig ay mga rebelasyong mula mismo sa Diyos. Ito po ay tugma noong ihayag ng Banal na Kasulatan na si Maria ay tatawaging mapalad o "blessed" sa lahat ng salin-lahi (Lucas 1:48). Hindi na ito kataka-taka sapagkat sinsabi mismo ng Panginoong Hesus na kung sinuman ang naglilingkod sa Kanya ay pararangalan ng Ama (Juan 12:26) at kabilang na nga dito si Maria na naging tapat na alipin ng Diyos, Ina ng Tagapagligtas. Kung ang Diyos mismo ay kayang magbigay parangal sa Kanyang mga tapat na nilikha, sino tayo para hindi tumulad sa Diyos? Ang pagpaparangal kay Maria ay pagpaparangal sa Diyos na Siyang pinagmumulan ng lahat ng karangalan.