HOME

Friday, November 19, 2021

Ang INGGIT ay mapaminsala.

Ang inggit ay nakamamatay. Ito ay mapaminsala. Pinapatay nito ang ating relasyon sa Diyos, sa ating kapwa, at sa ating sariling pagkatao. Ang inggit ay kasalanan. Nasasaktan ang Puso ng Diyos sa tuwing tayo ay naiinggit, sapagkat ito'y pakahulugan na wala tayong tiwala sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos na magkaloob ng mga biyaya. 


Narito ang ilang mga pamamaraan upang mawala o maiwasan ang inggit sa ating mga katawan:


  • Manalangin. Sa tuwing tayo ay makakaramdam ng inggit, tumakbo po tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin. Hilingin natin sa Diyos na pagkalooban tayo ng grasya na mamuhay ng kontento. Sa panalangin ay napapalapit tayo sa Panginoon. Ang taong malapit sa Panginoon ay may lakas upang mapaglabanan ang masama, kabilang na ang inggit. 
  • Tumingin sa mga sariling biyaya at huwag magkumpara sa iba. Ang Diyos ay nagbibigay ng biyaya sa lahat. Hindi natin kailangan tumingin sa pag-unlad ng iba at ikumpara ang ating buhay. Tignan natin ang ating personal na buhay at kung paano, mula noon hanggang ngayon, ay naging mabuti ang Diyos sa kabila ng lahat. Magsumikap, patuloy na manalangin at magpakabuti. Ito ang mga bagay na dapat natin pinagtutuunan ng pansin at oras. 
  • Magpasalamat lagi sa mga biyayang natanggap. Ang isang taong marunong magpasalamat sa Diyos ay mga taong kuntento sa buhay. Ang mga taong kuntento sa buhay ay mga taong may kapayapaan ang puso at hindi naiinggit sa kanyang kapwa. 

Sunday, November 7, 2021

Panalangin para sa mabilis na paghilom

 

PANALANGIN # 1

+Sa Ngalan ng AMA, at ng ANAK, at ng ESPIRITU SANTO. Amen. 

Panginoong Hesus, ang aming Dakilang Manggagamot, itinataas po namin sa Iyo ngayon ang lahat ng mga may karamdaman. Bigyan Mo po sila, Panginoon, ng lakas upang lumaban at hindi mawalan ng pag-asa. Buong puso po kaming nananalig na sila ay pagkakalooban Mo ng kagalingan, hindi lamang po pisikal kundi, higit sa lahat, espiritwal.


PANALANGIN # 2

Panginoong Hesus, noong Ika'y nagsimula sa Iyong pangangaral, kasama sa Iyong mga mithi ang pagalingin ang mga may karamdaman. Hinanapan Mo sila ng pananampalataya, dahil batid Mong ang tunay na pagkakasakit ay nag-uugat sa loob ng puso at nagsisimula sa pagtalikod ng tao sa Diyos. 

Ako ay sumasampalataya, Panginoon, na ako ay kaya Mong pagalingin. Kung may kulang man, Panginoon, sa aking pananalig at pagtitiwala sa Iyo, Kayo na po ang Siyang magsulit at magpasya. Kung loloobin po Ninyo, ayon sa Inyong banal na kalooban, ako ay makakabangon mula sa aking sakit at dusa.

AMEN.

Monday, November 1, 2021

Panalangin para sa mga kaluluwa





PANALANGIN PARA SA MGA KALULUWA. 


+ Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. AMEN.


Inihahabilin ko kayo, ___(pangalan ng yumao o listahan ng mga pangalan ng mga yumao)_____ sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ipinagkakatiwala ko kayo sa ating Manlilikha.


Mamahinga kayo nawa sa bisig ng Panginoon na maylikha sa atin mula sa alabok ng kalupaan.


Salubungin kayo nawa ni Santa Maria, ng mga anghel at mga santo sa paghayo ninyo mula sa buhay na ito.


Nawa si Kristo na nagpapako sa Krus para sa inyo ay bigyan kayo ng kalayaan at kapayapaan.


Nawa si Kristo na namatay para sa inyo ay tanggapin kayo sa Kanyang Hardin na Paraiso.


Nawa si Kristo, ang Tunay na Pastol, ay yakapin kayo at ibilang kayo kaisa ng Kanyang kawan.


Naway patawarin Niya ang inyong mga kasalanan, at ibilang kayo sa Kanyang mga hinirang.


Makita niyo nawa ang mukha ng ating Manunubos, at masiyahan sa pinagpalang tanawin ng Diyos magpakailanman. 


AMEN.


#Undas2021 #AllSouls #EternalMemory2021