Ang panlalait sa ating kapwa ay panlalait din sa Diyos na Siyang may likha sa ating lahat. Ang bawat isa ay natatanging obra ng Diyos. Kung kaya naman, wala ni isa man sa atin ang may karapatan na yurakan ang pagkatao ng iba dahilan lamang sa kanyang pisikal na kaanyuan. Pinaaalalahan tayo ni Apostol Santiago na ang mga bibig na nagpupuri sa Diyos ay hindi dapat gamitin sa panlalait ng kapwa (Santiago 3:10). Sa madaling sabi, hindi maka-kristyanong gawain ang panlalait. Hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang papuring nagmumula sa isang bibig ng taong mapanlait.
Minsan sa ating buhay ay nakapanlait din tayo ng iba. Lahat tayo ay may sala sa aspetong ito. Ihingi natin ito ng tawad sa Diyos sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal. Ipanalangin din natin sa Diyos na bigyan tayo ng grasya upang ilayo tayo sa ganitong uri ng pagkakasala.
Tandaan po natin na sa tuwing tayo'y manlalait ng ating kapwa, nagdaramdam ang Diyos.






