Ang Banal na Espiritu ay nagpapalaya. Pinapalaya Niya tayo sa pang-aalipin sa atin ng kasalanan. Ang taong puspos ng Banal na Espiritu ay hindi naiinggit, hindi nagmamataas, hindi malaswa, at hindi gumagawa ng masasamang bagay laban sa Diyos at kapwa-tao. Sa halip, ang taong puspos ng Banal na Espiritu ay gumagawa ng mabuti, nagiging biyaya para sa iba, nagpapatawad, at nagdadala ng kapayapaan at galak.
Ang Banal na Espiritu ay nagpapalaya din sa atin sa pang-aalipin ng takot. Binibigyan Niya tayo ng lakas at tapang upang manindigan laban sa mali at kawalang hustisya sa ating kapaligiran. Binibigyan Niya tayo ng lakas at tapang upang ipahayag ang katotohanan at kaligtasang hatid ng Panginoong Hesukristo. Walang lugar ang takot sa kaharian ng Diyos, dahil ang "natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig." (1 Juan 4:18)
Ang Banal na Espiritu ang Siyang nag-uudyok sa atin upang, higit sa lahat, ay UMIBIG nang walang hinihintay na kapalit.