Sa nakalipas na dalawang libong taon, marami sa ating mga gusaling simbahan (kabilang ang mga Banal na Imahen) ang nasira na dahil sa sunog, lindol, bagyo at iba pa. Ang mga pangyayaring ito ay talaga namang lubos na nakakalungkot. Nguni’t, hindi dapat ito maging dahilan upang tayo ay panghinaan ng pananalig, bagkos ay dapat dalhin tayo sa isang mas malalim na pagninilay na magdadala sa atin sa mas malamin na relasyon sa Panginoon.
1. ANG SUNOG SA SIMBAHAN. Ang pagkakasunog sa gusaling simbahan ng mga taga Pandacan ay nakapanlulumo at nakalulungkot. Itinuturo sa atin sa tagpong ito na ang Simbahan ay hindi ang gusali. Ang Simbahan ay tayo, tayo na sumasampalataya kay Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas. Tayo ang Katawang Mistiko ng Panginoon.
Ang mga abo ng gusaling simbahan at ng mga banal na imahen ay pagtuturo ng isang katotohanan: "ang lahat sa mundong ibabaw ay lilipas, mabubulok at masisira. Sa Diyos dapat ang tuon at pag-asa."
2. ANG PAGHAHANAP. Matapos ang sunog, nagkaroon ng paghahanap sa matandang imahen ng Santo Niño o Batang Hesus. Ang tagpong ito ay pagpapakita ng estado ng maraming buhay ng tao. Marami sa atin ang patuloy na naghahanap sa kaligayahan at kapayapaan. Marami sa atin ang naghahanap ng sagot sa mga problema ng buhay. Marami sa atin ang naghahanap sa tunay na pagmamahal. Nguni't, kakaunti lamang ang nakahahanap. Bakit? Dahil karamihan ay naghahanap sa maling direksyon, karamihan ay naghahanap sa maling relasyon ay ugnayan at kakaunti lamang ang naghahanap kay HESUS. Hanapin natin si Hesus sa ating mga puso, at doon Siya'y matatagpuan natin na matagal ng naghihintay sa ating pagbabalik.
3. ANG MASAMANG BALITA. Makalipas ang ilang araw ng paghahanap, natagpuan ang imahen - sunog at abo na. Tunay na nakapanlulumo, at walang salita ang sasapat upang ihayag ang lungkot na nasa puso ng bawat mananampalataya at mga deboto ng Poon. Ang pagkasira ng Imahen ay masamang balita, nguni't ito'y pag-anyaya para sa ating lahat na umasa sa Panginoon na may kakayahan na gawing tuwa ang lungkot; posible ang imposible; at mabuti balita ang masama. Mananatiling buhay ang Panginoon, mga kapatid! Nawala man ang imahen, si HESUS sa Sakramento ay buhay na buhay at iyan ang pinaka-mahalaga sa lahat.
Mawawala, mabubulok at masisira ang lahat ng mga bagay dito sa mundong ibabaw, nguni’t ang Diyos at ang Kanyang kapangyarihan na magligtas at magpagaling ay mananatili magpakailanman.
No comments:
Post a Comment