Sa mga kaganapan na patuloy na nangyayari sa paligid, hindi maiwawasan na magtanong ang tao, "nasaan ang Diyos sa lahat ng ito? Hindi ba't mahal Niya ang tao? Bakit nagpapatuloy ang kasamaan? Bakit walang kapayapaan ang tao?"
Ang kasamaan ay hindi gawa ng Diyos, hindi ito nagmula sa Diyos. Ang kasamaan na nagpapatuloy ay bunga ng ating mga kasalanan, ito ay gawa ng diyablo. Sinasabi sa atin ng Panginoon, "huwag ka nang magkasala upang hindi mangyari sa iyo ang malubhang bagay" (Juan 5:14). Ang mga pahayag na ito ay tugma sa sinasabi ng Propeta Isaias sa lumang tipan, "walang kapayapaan ang mga makasalanan, sabi ng aking Diyos" (Isaias 57:21). Sa madaling salita, ang mga nararanasan nating hindi maganda sa ating buhay ay nag-uugat sa ating pagsuway sa mga utos ng Panginoong Diyos.
Sinabi ng Diyos na huwag tayong mangalunya, pero hindi tayo nagpapigil. Ang naging resulta: magulong pamilya.
Sinabi ng Diyos na huwag tayong magnakaw, pero hindi tayo nagpapigil. Ang naging resulta: pagkakabilanggo.
Sinabi ng Diyos na huwag tayong magkakalat ng hindi totoong balita, pero hindi tayo nagpapigil. Ang naging resulta: watak-watak na relasyon sa komunidad.
Naangkop na sa panahong ito, tayo ay magnilay. Tayo ba ay naging mabuti? Tayo ba ay naging tapat sa Panginoon?
Sa dilim na kinasasadlakan natin ngayon, muling nananawagan ang Diyos na tayo'y magsisi at magbalik-loob upang hindi na mangyari sa atin ang mga malubhang bagay. Ang Diyos na nagligtas noon ay Siya ring Diyos na magliligtas ngayon.