Sinasabi sa atin ng aklat ng Mangangaral na ang lahat sa mundong ibabaw ay may kanya-kanyang panahon. May panahon ng pagsilang, may panahon ng pagkamatay. May panahon ng pananahimik, may panahon ng pagsasalita. May panahon ng pagluha, may panahon ng pagtawa. Ngayon, nasa panahon tayo ng pagluha. Ngunit ang pagluha ay hindi lamang nangangahulugan ng kalungkutan, ang pagluha ay maaari ding bunga ng labis na sakit, pisikal man o emosyonal. Ito rin ay maaaring bunga ng lubusang pagsisisi sa kasalanang nagawa. Ang lahat ng rasong ito kung bakit lumuluha ang tao ay pagpapakita ng kanyang masidhing pangangailan at pagnanais na maramdam ang presensiya ng Diyos sa kanyang buhay. Sa madaling sabi, ang pagluha ng tao ay pagka-uhaw sa Diyos.
Sa kalungkutan at Sakit na dinaranas ng tao, naroroon ang kanyang paghahangad sa tunay na ligaya na Diyos lamang ang makapag-bibigay.
Sa pagsisisi ng tao sa kanyang mga pagkakasala, naroroon ang kanyang paghahangad na mawala ang mabigat niyang dalahin na Diyos lamang ang makagagawa.
Ang kahabag-habag na kalagayang ito ng tao ay maiibsan lamang sa muli niyang pakikipagkasundo sa Diyos. Ngayon ay panahon ng pagluha, panahon ng pagsisisi. Ngayon ay nag-aanyaya ang Diyos na tayo’y magbalik-loob.
No comments:
Post a Comment